Pagkatapos na pagkatapos ng lahat ng mga biglaang pangyayari last school year, ninais ko na magresign sa school sa kagustuhan na tumakas sa pag-iisip sa posibilidad na maaaring bumalik siya muli, ang taong gumambala sa mala-paraiso kong ideolohiya ng pag-ibig. Bata pa lamang ako, masyado ng "ideal" and pagtingin ko sa mga bagay-bagay. At gaya nga ng nasabi ko na sa mga una kong blog, defense mechanism ng katawan ko ang pagtakas. Kaya binalak ko na nuon pa man ang umalis na. Kung babalik siya, aalis na ako. Ngunit, bigla rin namang lumiit ng lumiit ang "probability" ng kanyang pagbalik. At hanggang sa dumating na nga ang panahon na nanatili siyang malayo.
Bagaman, ngayon, ay hindi pa rin inilayo ng distansya niya sa akin ang mga katauhan na pilit na bumubuhay sa makamundong pagnanais sa sex at patuloy na pagsira sa napakagandang konsepto ng pag-ibig. Kaya, heto na naman ako. Nais ko na naman umalis.
Pero sa isang banda, pagkatapos ng matagal na pag-mumuni-muni, ay mas pinili ko muna manatili. Napag-isip-isip ko, na kung aalis ako at tutunguhin ang isang lugar na kung saan napakalaki ng posibilidad na makasama ko ang mga katauhan na mas masahol pa ang mga makamundong pagnanasa ng mga katauhan dito ang likaw ng bituka ay pareho lang naman. Patuloy lang nila akong sasaktan kahit saan man ako magpunta. Kaya, bakit hindi na nga lang manatili muna.
Napag-isip-isip ko din, na isang magandang "guinea pig" para sa aking "total psychological healing" ang katauhan na tila nais manguna sa linya ng mga taong masidhing nananakit sa akin sa pamamagitan ng patuloy na pagtugon sa makamundong pagnanasa sa sex. Iniisip ko, na kung makakaya ko, (at dapat kayanin ko!!!) na makasama siya, maka-trabaho siya, at makisalamuha siya, habang patuloy siya sa paggawa niya ng mga aksyon na patuloy na nagpapatibay sa akin ng tunay na imahe ng realidad ng mundo ay gagaling na ako. Iniisip ko na kung magagawa kong makayanan na makita at maranasan first hand ang lahat ng kababuyan nilang ginagawa sa mala-paraisong konsepto ng pag-ibig ay gagaling na ako. Iniisip ko na siguro kung darating nga ang panahon na iyon ay makukuha ko na ang susi sa kaligayahan na matagal-tagal ko na rin tinatakasan, iniiwasan, at isinasantabi. Sa tinagal-tagal ng pagtataguan, pagod na ako.Sawa na akong tumakas.
Alam ko, na mahirap ang gagawin kong ito, parang Mission: Impossible, at wala rin naman kasiguraduhan na makakaya ko at iyon nga ang mahusay na paraan sa paggaling ko. Idagdag pa na masakit, sa totoo lang napakasakit pala ang mabuhay at maranasan ang proseso na magnais ang isang taong may "ideal" na pananaw sa makamundong Earth na ito. Ang pakikisalamuha lamang sa mga taong may "real" perspective sa mundo ay sapat na upang maging "broken" ang isang "ideal" na tao, na gaya ko.