Martes, Pebrero 14, 2012

Meeting Manix Abrera, again

            Bago ang lahat, Rak en Rol!

             Una kong na-meet si Manix Abrera noong inosente pa ako. 

             Wala pa sa hinagap ko nuon ang kurapsyon sa lipunan, ang halaga ng pork barrel sa mga kongresista, ang bulok na sistema ng pamahalaan maging ng paghawa ng kabulukan nito sa mamamayan, gaya ng malawak nang pagdumi ng Ilog Pasig. Wala pa akong alam nuon. Dati naaalala ko pa walang palya ang pagbukas ng tv namin sa bahay para subaybayan ang mga balita, na madalas ay palipat-lipat pa ng channel, eh pareho-pareho lang din naman ang ibinabalita ang tanging naiiba lang ay ang mga reporters. Naging form of entertainment lang sa akin ang panonood ng balita. Naging tradisyon na iyon ng aming pamilya-ang manood ng balita. 
         Ngunit, ang lahat ng aking paniniwala ay binasag ni Manix Abrera. Para sa isang "sheltered" High School student mula sa isang private school sa probinsiya ay talaga namang nagdulot ng matinding kalituhan sa aking batang isip ang mga terminolohiya ni Manix Abrera. Sa kanya ko una narinig ang "Rak en rol', na malaman ko na lang ay ginamit na din pala ni Joey Pepe Smith sa kanyang mga jammings ayon sa aking tatay.  Siya rin ang unang nagpakita sa akin ng salitang "Asteeeg" na kanyang iniwang mensahe sa aking name tag sa CEGP Press Congress na iyon. Siya ang nagbigay sa akin ng ideya ng triple letters, na pwede pala iyon. Sa kanya ko rin unang narinig ang "hardcore" at "progresibo", sabi pa nga niya, "ah iyon, oo, progresibo siya mag-isip". Isip-isip ko naman, ano ba iyong mga alien words na pinagsasasabi ni Manix Abrera. At bakit ba kami dinala ng Technical Adviser ng school paper namin sa Press Congress na iyon para hayaan kaming ma-impluwensiyahan ng alien words. Simula ng makinig ako sa Photojournalism seminar ni Manix hanggang sa magtapos ang Press Congress ay nanatiling tikom ang aking bibig at bulaga ang mga mata sa naganap na immersion. Inosente pa ako nuon pero bukod sa autograph ni Manix sa nametag ko ay iniwanan niya din ako ng mga materyal na ni sa hinagap ko ay magagamit ko din pala pagdating ng panahon.

               At lumipas na nga ang walong taon. Napunta ako sa isang state university at unti-unti ding naging malinaw sa akin ang mga konseptong pinagsasabi ni Manix Abrera. Hanggang sa unti-unti ko nang binabasa ang mga comicstrips niya sa Inquirer. May mga strips kasi siya doon na nakaka-relate ako lalo na iyong mga pangkaraniwang kaganapan sa buhay estudyante at manunulat. Nuon pa lang nakita ko na na kritikal na mag-isip si Manix, may lalim. Hindi na ako inosente. At bukod sa autograph ni manix sa nametag ko ay unti-unti ko nang isinasabuhay ang mga terminolohiya ni Manix. Ginagamit ko na ang mga materyal niya. Unti-unti ko nang ibinubuka ang aking bibig at bukas na bukas na ang aking mga mata para sa mga hardcore na kaganapan sa lipunan.         

               Hanggang sa makarating sa akin ang balita na invited guest speaker si Manix Abrera sa Literature week sa PNU. Bagaman, may pasok ako nuon at kailangan ng mga bata ng review para sa parating na RVM Test at umabsent ako. Sayang ang opportunity. Para ngang, "I suddenly miss Manix." Matagal tagal na rin kasi akong walang naririnig na progresibong pananaw sa school na pinagtatrabahuhan ko. Iyong iba pinatay ako sa maling akala na mga progresibo silang mga tao. Kailanga ko iyon, ang makarinig ulit ng mga makabuluhan at malalim na usapan tungkol sa philosophy, religion, government, society at culture ng Pilipinas, isama na rin natin ang language. 

                  Isang malaking misteryo sa akin ang "power" ni Manix na patawanin ang audience niya sa seminar na iyon and yet, pag-isipin din sila sa huli. Tanga lang ang hindi mag-iisip sa mga gawa ni Manix Abrera. Kaya , I really took advantage of the opportunity na makakuha uli ng atograph ni Manix, but this time, I made sure na hindi na sa nametag niya iiwan ang pagka-hardcore niya. Bumili ako ng comics niya. 

                    At habang nakapila ako sa kanyang tahimik na autograph signing, ay nag-iisip na ako ng mga ideas for conversation, na habang busy siya sa pagdrawing ng messages ay dadaldalin ko siya. Iyon ang plano ko. Hanggang sa dumating na ang pagkakataon ko. Isa. Dalawa. Tatlo. Ako na. Pag-abot ko sa kanya ng mga libro (dalawang libro ang pina-sign ko, kasi nakisuyo ang isang kaibigan), ay na-starstruck ako, hindi sa kanya kundi sa kanyang mga kamay. Oo. Ang ganda ng kamay ni Manix Abrera. Siguro, iyon ang sikreto niya sa kanyang mga simpleng "art". At basag na naman ako kay Manix. Natameme ako. Lahat ng pinaplano kong chika minute ay naiwan lahat sa aking thought bubbles. 

                     Kaya ang masasabi ko lang, Rak en rol.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento