Bakit ganon kahit chocolate hindi na ako mapaligaya, kahit extra rice sa isang nakakagutom na araw, hindi na rin, kahit malamig na ice cream sa gitna ng October heat, kahit na chickenjoy na may kasamang extra gravy, kahit na paggamit ng malaking kutchara sa pagkain hindi na rin. Iniisip ko pa naman na ako ang tipo ng tao na madali lang mapaligaya, na sadyang mababaw lang ang kaligayahan, na kahit anumang bagay at pangyayari ay maiisipan ko ng dahilan upang aking ikaligaya. Pero, sadyang hindi.
Bakit kaya?!?
Dahil ba ikaw ang siya kong ligaya na sa bawat araw na ginawa ng Diyos ay unti-unti nang lumalayo sa akin. Ikaw nga ang ligaya ko na waring malamig na hangin na dumaan sa aking piling, masarap sa damdamin. Na waring isang hangin na unti unti nang napapalitan ng alinsangan, masakit na sa damdamin. Magkagayonpaman ay ngayon ay nananabik. Pilit na inaalala ang mga sandali na naging maligaya akong kasama ka. Pilit ko mang itanggi, pilit ko mang iwaksi sa puso at isip, sadyang hindi. Parang hindi makapantay ang tamis ng chocolate ang bigat sa tiyan ng extra rice, ang lamig na dulot ng ice cream, ang chickenjoy at extra gravy, maging ang malaking kutsara sa ligayang naidulot mo sa akin. Kagaya nga ng nasabi ko na, madali lang naman ako mapaligaya. Pareho nating alam na nadadala na agad ako sa ating mga simpleng tawanan at biruan. Sapat na iyon. Ligaya na sa akin ang ating panaka-nakang diskusyunan at palitan ng kuro-kuro. Ngunit patuloy mo akong hindi pinagtitiwalaan at lumalayo na sa akin. Kaya wala nang saysay ang anumang tamis ng chocolate, ang anumang busog na dulot ng sarap ng chickenmeal kahit pa may gamit na malaking kutsara. Lahat ay mag-aanyong hangin na ang tanging layunin lamang ay buhayin ang aking katawang nananabik sa iyong piling. Walang kwenta ang buhay na walang ligaya.
Late na ba ako?! Huli na ba upang itama ko ang mga nagawang pagkakamali sa iyo, sa atin. Pilit pa rin bang haharangin ng tadhana ang ating muling pagsasama. Hahayaan ko na lang ba mangyari ang lahat? Hahayaan mo na lang rin ba na mangyari ang lahat? Huli na ba para sa atin ang lahat?!?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento